Senado humihiling sa SC na ibasura ang petisyon ni Quiboloy

Ipinababasura ng Senado sa Korte Suprema ang petisyong inihain ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy kaugnay sa inisyung arrest order laban sa kanya ng Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs at Women and Children.

Sa komentong inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) para sa Senado, hiniling ni Solicitor General Menardo Guevarra sa Korte Suprema na ibasura ang aplikasyon ni Quiboloy para sa temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction.

Ayon kay Guevarra, hindi entitled si Quiboloy na humingi ng ‘relief’ dahil malinaw na wala naman siyang intensiyon na isumite ang kanyang sarili sa proseso ng hukuman at ng Senado.

Idinagdag pa ni Guevarra na ang imbestigasyong isinasagawa ng Senado ay ‘in aid of legislation’ at hindi akma ang paggamit ng pastor ng kanyang karapatang konstitusyonal laban sa self-incrimination.

Ayon kay Guevarra, “Sa kasong ito, ang petitioner ay ipinapatawag bilang isang resource person sa isang pagdinig ng Senado at hindi bilang akusado sa isang krimeng paglilitis, kaya’t ang kanyang pagdalo ay sapilitan.”

Matatandaang si Quiboloy ay inisyuhan ng warrant of arrest ng mga komite ng Senado matapos siyang mabigong dumalo at isnabin ang subpoena para sa kanilang imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y pag-abuso na isinampa laban sa kanya.

Bukod sa Senado, si Quiboloy ay inisyuhan din ng warrant of arrest ng mga hukuman na humahawak sa kanyang mga kasong qualified human trafficking at child and sexual abuse.

Mariin namang itinanggi ni Quiboloy ang mga nasabing akusasyon.