Kahapon ay kinumpirma ni Vice President Sara Duterte ang pag-alis ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang mga security personnel.
Sa isang pahayag kagabi, sinabi ni Duterte na lahat ng 75 miyembro ng PNP Police and Security Group na naatasang magbantay at tiyakin ang kanyang kaligtasan ay tinanggal na simula pa noong Hulyo 22.
Mismong si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang naglabas ng kautusan tungkol dito. “Kinukumpirma ko na noong Hulyo 22, 2024, isang utos ang inilabas ng Hepe ng Philippine National Police (PNP) na nag-alis sa lahat ng 75 miyembro ng PNP Police and Security Group na dati’y nakatalaga para sa aking proteksyon,” ayon kay VP Sara.
Sa kabila nito, tiniyak ni Sara sa publiko na hindi maaapektuhan ng naturang kautusan ang kanyang trabaho bilang bise presidente.
Aniya, patuloy pa rin siyang magsisilbi upang makapaghatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
“Gusto kong tiyakin sa publiko na ang kautusang ito ay hindi makakaapekto sa aking trabaho sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo,” dagdag pa niya. “Patuloy ang ating trabaho upang makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga liblib at underserved na komunidad sa ating bansa.”