Handa na ang detention facility ng Senado para kay Alice Guo, suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac, at mga miyembro ng kanyang pamilya sakaling maaresto sila.
Ipinakita ni Lt. Gen. (ret.) Roberto Ancan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa media nitong Martes ang pasilidad, na bagaman nasa loob ng compound ng Senado, ay nakahiwalay sa pangunahing gusali ng Senado.
Kung maaresto si Guo at ang kanyang pamilya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gagamitin ang kwarto mula nang ito ay na-refurbish noong 2023.
“Dito, maaasahan niya ang seguridad 24/7. Nagawa ko na ito dati; noon akong kumander, tiniyak ko ang kaligtasan ng aking mga tauhan sa aking nasasakupan,” ani Ancan.
Ang silid ay may apat na double bunk bed, naka-air condition, at may lababo at banyo.
Ayon kay Ancan, bibigyan ng kama at unan si Guo at ang kanyang pamilya, ngunit kung mas gusto nilang magdala ng sarili nilang gamit, walang magiging problema.
Sasagutin din ng Senado ang kanilang pagkain.
“Hindi ito kulungan. Isa itong detention facility. Kung kulungan ito, magkakaroon ng rehas,” diin ni Ancan.
Si Guo ay iniimbestigahan dahil sa umano’y kaugnayan niya sa ilegal na POGO firm na Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac.
Bukod kay Guo, pinaaaresto rin ang mga miyembro ng kanyang pamilya na sina Sheila Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen Guo, at ang kanyang pinaghihinalaang ina na si Wen Yi Lin.