Pondo ng Philhealth sapat para sa benepisyo ng mga miembro ayon kay Recto.

Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto na patuloy na makakatanggap ng marami pang benepisyo ang milyong miyembro ng PhilHealth kahit gamitin ang hindi nagamit na subsidiya na ibinibigay ng pamahalaan upang madagdagan ang pondo ng PhilHealth.

Ayon kay Recto, kasalukuyang may hawak na P500 bilyon ang government-owned and controlled corporation (GOCC), na higit pa sa sapat upang tugunan ang kasalukuyang benepisyo ng mga PhilHealth beneficiaries, pati na rin ang mga bagong medikal na benepisyong inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

“PhilHealth mismo ang nagsabi na walang kahit isang sentimo ang mababawas sa mga benepisyong matatanggap, ayon sa kasalukuyang patakaran,” sabi ng Finance chief.

“Sa halip, binanggit pa ng Pangulo sa kanyang SONA na tataasan ang mga benepisyo ng PhilHealth para sa mga outpatient, mga may malulubhang karamdaman gaya ng cancer, at mga batang may kapansanan,” dagdag pa niya.

Sa kanyang ikatlong SONA, inihayag ni Marcos na palalawakin ng PhilHealth ang bilang ng mga generic drugs para sa mga outpatient treatment mula 21 patungong 53. Kabilang dito ang mga gamot para sa hypertension, nerve pain, at epileptic seizures.

Dodoblehin din ang benepisyo para sa mga miyembrong na-stroke at may pneumonia hanggang P76,090.

Itataas din ang limit para sa breast cancer treatments ng mga kasapi ng PhilHealth ng 1,000%, mula sa kasalukuyang P100,000 tungo sa P1.4 milyon. Bago magtapos ang taon, isasama rin ng PhilHealth sa kanilang mga benepisyo ang chemotherapy para sa mga kanser sa baga, atay, obaryo, at prostate.

Nilinaw pa ni Recto na hindi gagalawin ng pamahalaan ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth para sa paglipat ng pondo at ang gagamitin lamang ay ang hindi nagamit na mga subsidiya ng pamahalaan sa PhilHealth.