98% ng mga paaralan ay nagbalik-eskwela na!

Ayon sa ulat, matagumpay na nakapagbukas ng klase ang 98% ng mga paaralan sa bansa para sa School Year 2024-2025 noong Lunes, Hulyo 29, at mahigit 20.5 milyon na mag-aaral ang nakapag-enroll para sa kasalukuyang taong panuruan.

Sa kanyang pagbisita sa Carmona National High School upang personal na masaksihan ang pagbubukas ng klase, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na may 2% ng mga paaralan na hindi nakapagbukas dahil sa mga pinsalang dulot ng bagyong Carina at Habagat sa kanilang lugar.

“Ayon kay Angara, ‘Maliit lang kasi… wala pang ano siguro eh, wala pang 2% ng buong bansa. So ibig sabihin, 98% ng mga paaralan ay nagbukas.’ Sa datos ng DepEd hanggang Hulyo 28, nasa 842 paaralan sa bansa ang nagpasyang ipagpaliban ang pagbubukas ng klase, na nakaapekto sa 803,824 mag-aaral.

Karamihan sa mga apektadong paaralan ay nasa Region 3 (452), National Capital Region (225), Region 1 (95), Region 4A (66), at Region 12 (4).”

Nilinaw ni Angara na ang mga paaralang nagsuspinde ng klase ay kinakailangang magdaos ng Saturday classes upang mabawi ang mga nawalang araw ng pasok.