Ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng super bagyong Carina, na pinalakas pa ng habagat, ay umabot na sa 21 katao.
Ayon sa pinagsamang ulat ng Regional Police at Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, apat ang nasawi sa Central Luzon, sampu sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), at pito sa National Capital Region (NCR).
Kabilang sa mga nasawi ay si Jarrel Pangan, na nalunod sa Baliwag-Bustos River sa Brgy. Poblacion, Baliwag, Bulacan; isang tao na nalunod sa Angat River; at dalawa sa Angeles City.
Sa CALABARZON, tatlong lalaki ang nasawi sa pagkakakuryente sa gitna ng mataas na tubig baha sa mga bayan ng Cainta, Rodriguez, at San Mateo. Ang mga biktima ay sina Alvin Bulatao, 20, mula sa Cainta; isang hindi nakilalang lalaki mula sa Brgy. Gitnang Bayan 1, San Mateo; at si Jay Mistal, 31, isang construction worker mula sa Brgy. Burgos, Rodriguez.
Nasa 15 katao naman ang nasugatan habang lima pa ang pinaghahanap.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, 14 katao pa lamang ang naitalang nasawi habang patuloy ang beripikasyon sa iba pa.
Umabot naman sa 245,000 pamilya o 1.1 milyong katao ang naapektuhan at 292 kabahayan ang napinsala dahil sa mala-Ondoy na pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Ayon pa sa NDRRMC, tinatayang nasa 9.7 milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng kalamidad sa agrikultura.
Samantala, 49 na kalsada at 8 tulay ang hindi pa rin madaanan dahil sa mataas na tubig baha. Naglaan na ang pamahalaan ng P3.8 bilyong ayuda at nakapamahagi na ng P776,000 halaga ng tulong sa mga naapektuhang pamilya.
Dahil sa matinding epekto ng mga pagbaha, nasuspinde ang klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno. Mahigit 100 domestic at international flights din ang kinansela.
Nagsilbing kanlungan para sa mga naistranded na pasahero ang mga shopping malls at simbahan. Nagkumahog ang mga rescue team ng PNP, AFP, BFP, at MMDA sa pagsagip sa mga na-trap sa malalim na baha sa Metro Manila.