POGO Ipinagbabawal na! – PBBM

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbabawal na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa kanyang mahigit isang oras na State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ng Pangulo ang pagbabawal sa POGO, na nagresulta sa sigawan at standing ovation mula sa mga bisita sa plenaryo ng Kamara.

“Ngayon po ay maririnig natin ang malakas na tinig ng taumbayan laban sa mga POGO,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon pa kay Pangulong Marcos, ang mga operasyon ng POGO ay nagpapanggap na lehitimong negosyo, ngunit sa katunayan, nagdudulot ito ng mas malalalang problema tulad ng financial scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal na tortyur, at maging murder.

Binigyang-diin niya na kinakailangan nang itigil ang pang-aabuso at paglabag sa ating mga batas, pati na rin ang mga kaguluhan na dulot ng POGO sa ating lipunan at ang paglapastangan nito sa ating bansa.

“Effective today, all POGOs are banned,” diin ng Pangulo.

Inutusan din ng Pangulo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na itigil at suspindihin ang operasyon ng mga POGO bago matapos ang taon.

Bukod dito, iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan sa mga economic managers upang makahanap ng bagong trabaho para sa mga Pilipinong mawawalan ng trabaho.

Ayon sa kanya, sa ganitong paraan ay maaring maresolba ang ilang mga problema, kahit na hindi lahat ay magkakaroon ng solusyon.

“Mga mahal kong kababayan, palagi nating labanan ang mali at ang masama. Palagi nating ipaglaban ang tama at ang mabuti,” pahayag ng Pangulo.