Kahapon, pormal nang umupo si Sen. Sonny Angara bilang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa isang simpleng turnover ceremony na ginanap sa DepEd main office sa Pasig City, opisyal nang ipinasa ni Vice President at outÂgoing DepEd Secretary ang posisyon kay Angara.
Sa nasabing aktibidad, iniabot ni Duterte kay Angara ang seal at watawat, simbolo ng pagpasa ng liderato at pangangasiwa sa ahensya.
Binigyan pa ni Duterte si Angara ng tour sa loob ng DepEd office.
Sa kanyang huling talumpati bilang kalihim ng DepEd, binigyang-diin ni Duterte ang mga programa at proyektong ipinatupad sa loob ng kanyang dalawang taong panunungkulan.
Kabilang sa mga programang binanggit niya ay ang Matatag agenda, K to 10 Matatag Curriculum, pagrepaso sa kurikulum ng Senior High School, paglulunsad ng National Learning Recovery Plan, at ang pagbabalik ng face-to-face classes para sa humigit-kumulang 27 milyong mag-aaral.
Sa kanyang unang talumpati bilang Education Secretary, sinabi ni Angara na sisikapin niyang palakasin ang mga programang magpapataas sa kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral.
“Napakalaking karangalan po ang ipinagkaloob sa atin ni Pangulong Bongbong Marcos upang maglingkod bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon,” sabi ni Angara, na pormal na ring nagbitiw kahapon bilang senador.
Matatandaang noong Hunyo 19 ay inanunsyo ni Duterte ang kanyang pagbibitiw sa puwesto, na naging epektibo ngayong Hulyo 19. Noong Hulyo 2, itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos si Angara bilang bagong kalihim ng DepEd.