Iimbestigahan ng Kamara ang talamak na pag-iisyu ng pekeng birth certificates at passports sa mga dayuhan, partikular na sa mga Chinese nationals na nagpapanggap na mga Pilipino.
Nagpasa si Lanao del Sur 1st District Representative Ziaur-Rahman Alonto Adiong ng House Resolution 1802 na nag-uutos sa Committees on Local Government at Justice na siyasatin “in aid of legislation” ang nakakaalarmang paglaganap ng mga pinalsipikang birth certificates at passports na inisyu sa mga dayuhan, karamihan ay mga Chinese nationals.
Inihain ni Adiong ang resolusyon sa gitna ng isinasagawang pagdinig kung saan nabunyag ang pamimili ng lupa ng mga Chinese nationals gamit ang mga pinekeng birth certificates at passports, na nagpapanggap silang mga Pilipino.
“Ang mga dokumentong ito ay nakuha sa pamamagitan ng mga maling pahayag at inisyu ng mga lokal na civil registrars.
Ang kahalagahan ng resolusyong ito ay binibigyang-diin ng ilang partikular na insidente ng pandaraya,” ayon sa solon.
Noong Nobyembre 17, 2023, lumitaw sa deliberasyon ng Senado na 308 Chinese nationals ang nakakuha ng pekeng birth certificates na ginamit sa pag-aapply ng passport. Samantala, noong Hulyo 10, 2024, nasakote ang isang Chinese dahil sa paggamit ng pekeng dokumento sa pag-aapply ng Philippine passport.
Noong Hulyo 11, 2024, iniulat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit 200 pekeng birth certificates na inisyu sa mga dayuhan, karamihan ay mga Chinese nationals, sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Binigyang-diin ng solon ang kahalagahan ng imbestigasyon ng Kamara upang mapanatili ang integridad ng identification system at matiyak ang pambansang seguridad.
See Translation
All reactions:
66